Elena Constantino: Vendor sa Luneta

June 14, 2017 | Autor: A. Villalobos | Categoría: Poverty, Philippines, Filipino, Poverty Studies, Strife, Luneta Park, Rizal Park, Luneta Park, Rizal Park
Share Embed


Descripción

Elena Constantino: Vendor sa Luneta
Ni Apolinario Villalobos

Nasumpungan ko ang puwesto ni Aling Elena (Constantino) isang umagang
naglibot ako sa Luneta upang makita ang mga pagbabago. Madaling araw pa
lang ay naglibot na ako kaya natiyempuhan ko ang mga grupo ng nagsu-zumba.
Hindi lang pala isang grupo ang nagsu-zumba, kundi lima. Nandoon pa rin ang
grupo ng mga Intsik na na nagta-tai chi, at ang mga grupo ng ballroom
dancers.

Malinis na ngayon ang mga palikuran ng Luneta, hindi nangangamoy- ihi tulad
noon. Limang piso ang entrance fee. Unang nagbubukas ang palikuran sa may
dako ng kubo ng Security personnel. Ang iba pa ay matatagpuan sa tapat ng
Manila Hotel, likod ng National Historical Institute at tapat ng Children's
Museum.

Dahil sa pagod ko sa kaiikot, naghanap ako ng isang tahimik na
mapagpahingahan at mabibilhan din ng kape. Ang nasa isip ko ay isa sa mga
"stalls" na nagtitinda ng snacks, at dito ko nakita ang puwesto ni Aling
Elena. Kahit pupungas-pungas pa halos dahil kagigising lang ay ipinaghanda
niya ako ng kape. Marami siyang natirang pagkain tulad ng nilagang itlog at
mga sandwich. Upang mabawasan ang maraming tirang nilagang itlog ay kumain
ako ng tatlo.

Noon pa man ay may isyu na sa mga vendor ng Luneta. Ilang beses na silang
pinagbawalang magtinda sa loob, pinayagan din bandang huli, pinagbawalan
uli, pinayagan na naman, etc. Kung limang beses na ay meron na sigurong
ganitong parang see-saw na desisyon ang National Parks Development
Committee. Sa ngayon, ang upa sa isang stall na ang sukat ay malaki lang ng
kaunti sa isang ordinaryong kariton, binubungan at nilagyan ng dingding,
pinto at bintana ay Php50 isang araw. Subalit sa liit ng puwesto na
sasabitan ng mga chicherya, sa tantiya ko ay hindi aabot sa Php100 isang
araw ang tutubuin ng nagtitinda. Kaya ang ginawa nila, pati si Aling Elena
ay nagkanya-kanyang lagay ng extension na gawa sa telang habong o
tarpaulin. Bawal din daw ang maglagay ng mesa at upuan, pati ang pagluto,
maliban lang sa pagpapakulo ng tubig na pang-kape. Subalit tulad ng isang
taong nagigipit, nagbakasakali na lang sila sa paggawa ng mga ipinagbabawal
upang kumita ng maayos at masambot ang araw-araw na upa.

Inamin ni Aling Elena na ilang beses na rin siyang naipunan ng bayaring upa
kaya lahat ng paraan ay ginawa niya upang mabayaran ang namamahalang komite
sa Luneta. Ang problema niya ay kung panahon ng tag-ulan, at mga
pangkaraniwang araw mula Lunes hanggang Biyernes kung kaylan ay maswerte
na raw siya kung makabenta ng limang balot ng chicherya. Ang tubo sa isang
balot ng chicherya ay mula piso hanggang limang piso. Kung makabuo siya ng
pambayad sa isang araw, wala na halos natitira para sa kanyang pagkain.
Hindi nalalayo ang kalagayan niya sa mga nagtitinda gamit ang bilao sa
bangketa ng mga palengke….gutom din, kaya wala na talagang magawa si Aling
Elena kundi ang magtiyaga. Okey naman daw ang kinikitang tubo na umaabot sa
Php200 isang araw kung weekend, lalo na ngayong pasko.

Nagulat lang ako nang sabihin niya na may isa pala siyang apo na pinapaaral
sa Mindoro. Nabasa siguro niya ang isip ko kaya siya na ang nagkusang
magsabi na hindi siya pinababayaan ng Diyos dahil kahit papaano ay
nairaraos niya dahil mura lang ang tuition sa probinsiya at may
pinagkikitaan din kahit kaunti ang apo niya na nasa first year college.
Wala siyang gastos sa pamasahe dahil sa maliit na puwesto na rin siya
natutulog. Ganito na raw ang buhay niya sa Manila mula pa noong 1972
pagkatapos niyang mag-asawa sa gulang na labing-pito.

Mahigit pitumpong taon na si Aling Elena at marami na rin daw siyang
nararamdaman lalo na sa kanyang mga kasu-kasuan (joints), pero tuloy pa rin
siya sa kanyang ginagawa dahil baka lang daw magkasakit siya kung siya ay
tumigil. Hindi rin siya kikita sa Mindoro dahil tag-gutom din daw doon at
palaging binabaha ang bayan nila.

Upang kumita pa si Aling Elena, naka-tatlong mugs ako ng kapeng ininom at
ang tatlong itlog ay dinagdagan ko pa ng dalawa, bumili rin ako ng sampung
balot ng chicherya na inilagay ko sa bag para sa mga batang pupuntahan ko.
Nang paalis na ako ay may dumating na babaeng may bitbit na mga nakataling
tilapia, nahuli raw sa Manila Bay. Inalok si Aling Elena na umiling lang
dahil nga naman ang kinita ay ang binayad ko pa lang. Dahil napansin kong
nagtitinda din siya ng ulam, ako na lang ang nagbayad upang mailuto niya
agad, mura lang kasi sa halagang Php60 at sabi ng nagtinda ay tumitimbang
daw lahat ng isang kilo.

Mabuti na lang at naantala ang pag-alis ko dahil sa pagdating ng babaeng
nagtinda ng tilapia. Naalala ko tuloy na kunan ng litrato si Aling Elena na
nagpaunlak naman. Mula sa puwesto ni Aling Elena ay naglakad na ako patungo
sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)….















Elena Constantino vendor since1972
Son, danilo depositor, toy vendor
Got married 17 years old
Stall rent 50pesos a day
Sending money to apo in Mindoro first year college
200 pesos on busy day espciallly weekend
Elizabeth espino, executive direct, national parks development Committee
Lihat lebih banyak...

Comentarios

Copyright © 2017 DATOSPDF Inc.